Dalawang beses palang ako nagpapagupit-mayaman. Noong isang buwan at kahapon. Hindi ko alam kung bakit ako bumalik sa barbershop na yun. Kabubukas lang nito nung nakaraan buwan at malapit lang sa opisina. Siguro dahil na rin sa magandang serbisyo nito o pwede rin sa kadahilanang libre ang iced tea at coffee—bottomless pa. Bagamat ni isang baso ay di pa ko nakakaubos. Try mo kayang uminom habang ginugupitan tingnan natin kung di mo mahigop ang sarili mong mga buhok.
40-50 pesos ang gupitan sa mga naghihilirang mga barbershop na malapit sa min. May aircon at meron din TV. May walang aircon pero may TV. Minsan, wala pareho. Yung iba may aircon--seasonal naman kung paandarin. 60-70 pesos naman ang gupitan sa mga salon.
Syempre. Dun ako sa 40 pesos na may aircon at TV. Madalas ako magpagupit sa barbershop na ang katabi lang ay funeraria. Di ko na din sinubukan magtanung sa mga barbero kung kinukuha ba ang serbisyo nila sa katabing ‘salon for the dead’. Ok naman ang gupit. Tama lang. Konting masahe pero minsan wala.
Hindi ako ganun ka-banidoso pag dating sa gupit ng buhok. Ok na saken ang barber’s cut. Konting instruction lang sa barbero. Wag lang mashado mataas sa likod at panipisin ng kunti ang buhok. Pero minsan, naiisipan ko nalang ituro ang mga litrato sa taas ng salamin, pag tinatamad mag-explain. “Gaya po nun manong, pormal ang dating”.
Nalala ko nung kabataan ko, ang madalas kong gupit ay “white-side-wall”. Yung tipong kunting buhok nalang ang natitira sa ulo mo. Kasama ko ang pinakadakilang nanay ko sa buhay. Di ko alam kung anu/sino ang madalas nya panuurin nun. Pero malamang gusto nya lang makatipid. Pinabago ko ang gupit nang mag-Grade 5 ako at lumipat sa ibang skul.
Nung una kong salta dito sa Manila para magreview, balak kong magpahaba ng buhok. “Type ko lang” ang madalas kung rason. Pero ang totoo. Takot ako sa kalalabasan ng gupit ng mga barbero dito. After 2 months, naisipan kung magpagupit. Panget kasi. Medyo kulot ang buhok ko. Ang kinalabasan, nagmumukang batang Michael Jackson. Kelangan ko na din talaga magpagupit nun. Ang feeling ko kasi, natatakpan ng malaki kung buhok ang kapwa-reviewee ko na nasa likod. Ayaw ko naman na maging dahilan ng hindi nya pag-pasa.
Nagbibigay ka ba ng tip? Di uso yan sa province (saken lang siguro). Dito kasi parang obligado ka magbigay. O na.pressured ka lang sa naunang natapos sau. Kasi kita mula sa salamin mo ang pagabot ng tip nito sa naggupit. Generally, ang point e nakakahiya nga ba?. Minsan may nakasabay ako, di naman sa pagmamayabang o anuman, sabihin na naten e nakaka-angat ka ng konti. Pagkatapos ng gupit nya, may inabot sya sa naggupit at sinabing “eto pang yosi”. Di ko alam kung magkano inabot nya. Pero nagbigay din ako matapos nun. Nasubukan ko na din yang linyang yan nang minsan ako naman ang ginupitan ng barberong yun.
Magkano binibigay mo? Di ko alam panu tatantiyain kung magkano ibibigay ko. Minsan pag may 50 pesos ako, 10 pesos ang binibigay ko (saktong pang yosi) at pagwalang masahe. 20 pesos naman pag ok ang serbisyo. Sa kabilang banda, tumatagingting na 220 pesos ang bayad ko dun sa pang-mayaman ng barbershop kasama na ang 40 pesos na tip. Apat na buwan nang gupitan at pang walong buwan na budget na gupit kung dun lang samin banda. Buti nalang kahapon, e walang tig.50-50 pesos si ate (tig.20-20 lang). Kaya 40 pesos pa din ang binigay ko—dating gawi. Pero, iniisip ko pa din, kung overstated o understated ang binigay ko. Pagdating sa serbisyo—talo ang serbisyo ng mga taga-doon sa min. Tumatagal ang masahe—the best ang head massage. Kaya minsan tuloy gusto ko na din tanungin si Manong kung me bayad ginagawa nya. Papahintuin ko sya sakali.
Nasubukan ko na din pumunta sa salon. Malaki lang siguro expectation ko sa mga hairstylist. Gusto ko kasi sila na bahala sa ayos ng buhok ko since hairstylist nga sila. Ngunit. Nang nabanggit ko yun. Biglang nag-iba ang mukha ni manong-di-naman-kagandahan. Parang di lang din ako ginupitan. Nauwi din ako sa pagpapagupit sa barbershop sa tabi ng funeraria.
0 comments:
Post a Comment